Sunday, December 14, 2008

Sana lang...

noong maliit pa akong bata... naiinggit ako sa mga binata, kasi pinapayagan na silang lumakad at mamasyal na mag-isa. ako ni hindi ako makalabas sa kalye... baka daw masagasaan at kung anu-ano pang mga dahilan na madalas na nakakapag-pairita sa aking batang isip. bawal sila ng bawal... napakaraming bawal sa bata kaya nakakainggit ang maging binata...

lumipas ang ilang panahon naging ganap din akong binata... napakasaya ko ng magdiwang ako ng aking debut... makapaggagala na rin ako ng mag-isa masusunod ko na ang gusto ko ng walang bawal... kaya lang bakit ganun... andami pa ring hindi pwedeng gawin... ayaw ko ng banggitin kung anu-ano... basta maraming-marami pa ring bawal... naisip ko nakakainggit ang mga matatanda... kasi sila ang nagsasabi kung ano ang mga bawal at mga hindi pwedeng gawin ng mga bata at mga binata... naisip ko tuloy ambagal ko namang tumanda...

hanggang ngayon naghihintay pa akong tumanda... naiinip na ako... tangay ng aking pagkainip, nakipag-usap na lang ako sa isang medyo may katandaang lolo na sa tingin ko ay talentado... bakas sa kanyang mukha ang pakikidigma sa kinamulatang lipunan. maputi na ang buhok at kita na rin sa mukha ang mga gatla ng mahabang karanasan... makikita ang tagumpay sa pakikibaka sa buhay sa pamamagitan ng mga singsing at relong sa tingin ko pa lamang ay pawang mamahalin... sa umpisa ng aming kwentuhan ay napatunayan ko na tama ako, siya ang nagdedesisyon kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng kanyang mga anak. marami siyang kwento ng kanyang buhay... hirap na naranasan... umiyak sa mga kabiguan... natuwa sa mga naging tagumpay.

at sa dakong huli hindi ko napigil na hindi ipahayag ang aking pagkainggit sa isang tulad n'yang matanda... isang simpleng ngiti ang kanyang binitiwan at sinabi sa akin... "huwag kang mag-apura darating din ang panahon mo! ako na kinaiinggitan mo ang nagsasabi sa iyo... sa edad kong ito na malapit ng lubugan ng araw alam mo bang naiinggit ako sa isang bata?" muntik na akong mabuwal sa aking upuan sa aking narinig!!! sa kanyang pagpapatuloy ay sinabi niya... napakasarap maging isang bata... mayroon ka lamang kalaro, isang laruan, konting pagkain... masaya na! hindi naghahangad ng sobra-sobra... madaling masiyahan... konti lang ang pangangailangan!!!

habang naglalakad ako pauwi... tama siya... sana ang lahat ng tao ay maging katulad ng isang bata... walang muwang... walang malay... sa mga katiwalian...

sana lang hindi na ako tumanda...

No comments: