Thursday, February 26, 2009

hamon sa pamayanan...

sa kasalukuyan ay bumalik na naman ang banta ng pagkaligalig sa mga pamayanang kristiyano ng apat na munisipyo ng kanlurang mindoro, ito ay kinabibilangan ng sablayan, calintaan, rizal at san jose... muli na namang nakita ang presensiya ng mag-asawang agravante (joseph & tessa) at ng isang engr. pangilinan ng doe.

muli na namang magkakainitan ang mga opisyal ng pamahalaan at ang mga lider ng pamayananng kristiyano, sa usapin ng public hearing o barangay consultation o information education campaign na muling ilulunsad ng pitkin petroleum limited...

sa mga naunang karanasan kasi sa pagsasagawa ng magneto telluric survey, ay hindi nagkaroon ng maayos na konsultasyon, at sa halip ay sa mga public officials lamang nagkaroon ng pagpapaalam ang pitkin at go na sila sa mt survey...

sa ganoong punto, ay hindi maiaalis ang pangamba sa mga mamamayan kung ano ba ang maaaring mangyari sakaling matuloy ang nasabing proyekto... hindi nagkaroon ng sapat na kamalayan at kaalaman ang mga tao... kasi nga ay hindi idinaan sa maayos na proseso ang social preparation. in short inapura.

sa ngayon ay narito na naman sila para sa 2 dimension seismic survey... ikalawang antas na at magkakaroon na ng drilling... magkakaroon na ng paglalagay ng dinamita... kailangan muli ito upang higit na patibayin o kumpirmahin ang naging tesulta ng magneto tellutic survey...

hahayaan ba nating mangyari muli ang ginawang kabastusan ng ating mga public officials? hahayaan ba natin na muli tayong linlangin ng department of energy at ng pitkin? hahayaan ba natin na gawin tayong tautauhan ng mga kapitalistang nagsasamantala sa kahinaan ng mga maralitang mananampalataya?

kapag hinayaan natin ang mga katampalasanang ito... ang pagbalewala sa ating karapatan at sa ating kakayahang magpasya...

mabuti pa sa atin ang kalabasa... gumagapang nag-iiwan ng bunga!!!

Wednesday, February 25, 2009

Ang tinig ng Occidental Mindoro...

muli ko na namang narinig ang tinig ni deputy speaker ma. amelita "girlie" villaroza... ayon sa kanya ay kailangan umanong ipagawa ang west coast road sapagkat hindi lamang daw ito daanan ng sasakyan kundi "bilaran" din ng palay...

well... sa isang banda ay tama naman siya roon, sapagkat talaga namang ginagawang bilaran ng palay ng mga magsasaka ang kalsada, lalo na sa panahon ng main crop.

kaya lang hindi kaya niya naiisip na kaya lamang nagbibilad sa kalsada ang mga magsasaka ay sa kadahilanang walang sapat na mga pasilidad ang ating lalawigan?

hindi rin kaya niya alam na ang pagbibilad sa kalsada ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga motorista at sa mga taong nagbibilad mismo?

sana naman ay alam niya na ang palay na ibinilad sa kalsada ay nagkakaroon ng mababang milling recovery rate... ayon sa bureau of post harvest research and extension (bpre), ay umaabot sa 12 percent ng kabuuang ani ang nasasayang na palay dahil sa hindi tamang pangangalaga dito. kung ito lamang ay masisinop ng tama... hindi na kailangan pa na tayo ay mag-import ng bigas sa ibang bansa.

sana may magsabi sa kanya na ang kalsada ay para sa mga sasakyan at motorista...

hindi matutugunan ng kalsada ang kakulangan ng ating lalawigan sa bilaran at iba pang inprastraktura, na dapat ay para sa mga magsasaka!!!

Sunday, February 22, 2009

ang malas-malas ko naman!!!

nagmamadali ako kahapon (di ko na sasabihin kung bakit) akalain mo ba namang nagluko pa ang aking service... ayaw umandar ng maayos, sa aking pakiwari ay natuyuan ng diesel. tiningnan ko ang fuel gauge, ayos naman, halos kalahati pa ang laman ng tangke. naisip ko baka nagbara lamang... baba sa sasakyan ang bida (ako yun) bukas ng hood... binuksan ang drain plug... bomba!!! sakay ulit... start... andar ng konti... patay na naman!!! bomba ulit... start... ayaw talagang magtuloy ng andar... pikon na ang bida kasi nagmamadali nga!!!

tawag sa cellphone...dating ang suporta... hila ang sasakyan (ko), papunta sa mekaniko... iniwan na doon!!! sakay ulit sa serbis na motor ang bida (ako yun)... starting pa lang hataw na (kasi nagmamadali nga!), akalain mo ba namang hindi pa nakakarating sa pupuntahan na-flat naman ang unahang gulong!!! walandyo... may kasunod yata akong dimonyo!!! tawag ulit ng suporta... pinadala sa vulcanizing shop ang motorsiklo... lakad ang bida... pauwi na... nagpasiya akong kinabukasan na lang lalakad... maagang-maaga...

nagpapahinga na ako sa bahay ng dumating ang aking motorsiklo... akala ko okey na, yun pala, bumitaw naman ang "brake shoe"!!!... hindi na nga flat! wala namang preno! susme gabi na!!! dala-dalawa ang serbis sabay pang nagka-problema...

halos di ako nakatulog... sa inis sa pikon... kakainis talaga!!!

kinabukasan. hindi ko alam kung paano ako nagising... o baka naman hindi talaga ako nakatulog??? sinakyan ko ang aking motor (kahit walang preno), alalay ang takbo... papuntang tindahan ng "brake shoe"... iniwan sa mekaniko... sakay ng tricycle papunta sa pinagpagawaan nung isang serbis ko...

wala naman palang sira... nabarahan lang ng dumi ang "hose" mula sa tangke ng diesel papuntang oil filter!!! ang ginawa ng mekaniko? inalis ang krudo at nilinis ang tangke... ibinalik ulit ang malinis na krudo... itinapon ang marumi!!! pinaandar... ayun... maayos na!

dapat pala sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan... maging isang mekaniko!!! kapag ang mga proyektong para sa kapakanan ng tao ay nababarahan ng mga "ganid" at "tiwali"... alisin!!! linising maigi ang "kalat" sa kanilang mga opisina, itapon ang mga tamad at corrupt at alagaan ang mga taong malinis magtrabaho... para sa kagalingan ng lahat!!!

maayos na ang dalawang service ko... salamat sa mekaniko!!! kaya lang...

:-( ang malas ko talaga... walang mekaniko, sa pamahalaan ng oksidental mindoro!!!

Saturday, February 21, 2009

pamanhikan...

first time in my life na ako ay humarap sa isang seryosong usapan... na tungkol sa pagpapakasal!!!

yap! kinausap ako ng aking bayaw (kapatid na mas matanda ng aking maybahay ;-() sinabing may mamamanhikan daw sa kaniyang bunsong anak na babae, at gusto niyang ako ang makipag-usap. nung una ay ayaw kong pumayag sa ilang mga kadahilanan... una. aba e hindi ko naman kaya anak yun (bakit ako ang kailangang makipagharap?)... ikalawa. wala pa akong karanasan o kamalayan sa mga ganyang usapin (nung mamanhikan kasi ang aking ama sa biyenan ko eh hindi ako kasama), wala talaga! ikatlo. mahiyain kasi ako sa mga taong hindi ko kakilala (maayos naman (daw) sa mga friends ko, sabi nila)... ikaapat. nag-aalangan ako, baka kasi hindi nila sundin ang aming mga mapagkakasunduan (aba eh malilintikan sila sa akin!) ikalima. hindi ko naman talaga talastas/batid kung ano ang gusto nila para sa kanilang mga anak (simpleng kasal lang ba o marangya?) ikaanim. wala akong hilig sa mga detalye ng ganyang mga bagay (saan,kailan,paano,magkano,anong damit,patahi ba o arkila,at iba pang mga bagay na nakakairita para sa akin!)...

kaya lang may magagawa ba akong paraan para tumanggi??? isa lang ang sinabi ko sa kanila (sa bayaw at hipag ko) walang kokontra... ako ang pinagkatiwalaan n'yo, gagawin ko ang alam kong tama para sa kanila, kunwari anak ko 'to!!!

isang matamis na ngiti ang itinugon sa akin... sabay tapik ng aking bayaw sa aking balikat at yumakap naman ang asawa n'ya sa akin!!!

heto ang k'wento... hindi kami masyadong magkasundo ng bayaw ko (bastos kasi kapag nalalasing) at ang kanyang asawa naman ay kunsintidor sa kagaguhan ng asawa... dumating pa nga sa punto na "naumbag ko" (inalalayan ko lang naman, nakakaawa rin... kasi manipis ang katawan). madalas na lasing kaysa sa hindi, kaya madalas din na bastos. halos hindi na iginagalang ng kanyang mga manugang... nawawala na ang respeto ng mga kapitbahay... mga kapatid at mga anak na lamang ang tanging hindi tumatalikod sa kanya!!! bunso sa kanilang magkakapatid ang aking asawa. hindi ko talaga alam kung bakit ako ang napili niya o mas tamang pinagkatiwalaan n'ya (?)...

natapos ang pamanhikang iyon na pawang may ngiti sa labi ang magka-balae (to be) at ang magkasintahan.

pagkaalis ng mga panauhin ay niyakap akong muli ng aking bayaw, ng kanyang asawa at ng kanilang anak... hindi raw sila nagkamali na ako ang "pinili" nilang makipag-usap.

ang totoo wala akong ginawa!!! pinadaloy ko lamang ang usapan sa punto na ang kailangang tingnan at isaalang-alang ng bawat isa ay ang maayos na "bukas"... na pagsasaluhan/pagsasamahan nila/namin bilang iisang pamilya... Yun lang!!! lahat ay napagkasunduan ng may ngiti...

malaki ang aking natutunan sa nangyaring pamanhikan... kung ang bawat isa pala ay titingin sa kalagayan ng kanyang kapwa... hindi para pahirapan! kundi para pagmalasakitan...

may pag-asa pa palang magbago ang mga mantsa sa lipunang aking ginagalawan... katulad ng nangyari sa isang pamanhikan...

Thursday, February 19, 2009

kung alam ko lang...

narinig ko sa isang programa sa radyo (dzvt) ang interview kay kagawad guy abeleda ng bayan ng san jose, doon ay kanyang sinabi na mayroong "typhoid outbreak" sa isla ng ilin at marami na raw ang namamatay, base umano sa kanilang isinagawang pagsusuri ay nagpositibo sa e- coli bacteria ang pinagkukunan ng tubig sa nasabing isla... buti na lang nai-tsek sya ng mga anchor ng pintig ng bayan.

heto ang nakakatuwa sa pangyayari. una. ang typhoid ay mula sa salmonela bacteria at hindi sa e-coli na tulad ng kanyang binabanggit. pangalawa. ano ang kapasidad ni kagawad abeleda na magdeklara o magsabi man lamang na merong outbreak, ke totoo man iyan o hindi???

napangalawahan pa ang ang kanyang "kabobohan" (?), nung interbyuhin naman s'ya sa bambi fm ni mariboy ysibido na kagawad din ng brgy. bubog at ni marife villar... inulit na naman n'ya na positibo sa e-coli bacteria ang tubig sa ilin at marami na ang may typhoid doon!!! ang masaklap hindi s'ya nai-tsek ng dalawang hosts...

kung alam ko lang ang mobile number ni kagawad edgardo abeleda ng bayan ng san jose... nasabi ko sana na mag-research ka muna, o magtanong sa kinauukulan bago magpa-interbyu... halatang halata tuloy na uhaw ka sa "media exposure" ;-I, kakahiya rin sa mga taong bumoto sa iyo...

Salmonella is a genus of rod-shaped Gram-negative enterobacteria that causes typhoid fever, paratyphoid fever, and the foodborne illness salmonellosis. Most Salmonella species are motile and produce hydrogen sulfide.

Escherichia coli (commonly E. coli; pronounced, is a Gram negative bacterium that is commonly found in the lower intestine of warm-blooded animals. Most E. coli strains are harmless, but some, such as serotype O157:H7, can cause serious food poisoning in humans, and are occasionally responsible for costly product recalls. The harmless strains are part of the normal flora of the gut, and can benefit their hosts by producing vitamin K2, or by preventing the establishment of pathogenic bacteria within the intestine.E. coli are not always confined to the intestine, and their ability to survive for brief periods outside the body makes them an ideal indicator organism to test environmental samples for fecal contamination. The bacteria can also be grown easily and its genetics are comparatively simple and easily-manipulated, making it one of the best-studied prokaryotic model organisms, and an important species in biotechnology. E. coli was discovered by German pediatrician and bacteriologist Theodor Escherich in 1885, and is now classified as part of the Enterobacteriaceae family of gamma-proteobacteria

para malaman mo din sana na pagdating sa ganyang mga problema may tamang mga ahensiya na siyang "dapat" na nagpapasya at nagdedeklara...

state of calamity... na lang sana... kagawad guy abeleda kung alam ko lang! kasama mo pa naman si kagawad vicky villaroza na anak ng magaling na doktora at si kagawad allen tan... sayang hindi ko nalaman ng mas maaga!!! ;-(

Tuesday, February 17, 2009

Patay na Bangkay...

nagpunta ako sa isang lamayan kagabi... isang payak na lugar sa gitnang bukid. walang kuryente, malayo sa mga kapitbahay...

sa unang yapak ng aking paa sa kanilang dampa na kinabuburulan ng kanilang namayapang anak, ay kaagad na tatambad sa iyo ang isang kahirapang hindi nakayang ikubli ng mga namumugtong mata ng mga naulila... ang ataul na kinahihigaan ng isang halos buto at balat na babaeng namatay sa panganganak, ay yari sa pinagtagpi-tagping plywood na parang kinuha lamang sa mga porma ng constuction, at ni hindi napahiran ng maayos na pintura...

ang naiwang anak ng yumao ay karga ng kanyang amang bakas na bakas ang todong pagdadalamhati sa paglisan ng asawang sana'y makakatuwang niya sa pagpapalaki sa apat na buwang gulang nilang sanggol.

ang sanhi ng maagang pagkasawi ng isang guro (sana) na iginapang upang makapagtapos sa pag-aaral ng kanyang mahihirap na magulang?

nabinat daw at pinasok ng hangin ang utak!!! ito ay ayon sa "findings ng albularyo" na kanilang kinunsulta...

may himig ng paninisi ang aking tanong sa magulang at asawang mugto ang mga mata sa kaiiyak. "bakit sa albularyo dinadala at hindi sa doktor?" dinala naman daw kaya lang walang nangyari... naubos na ang pinagbilhan nila ng kalabaw... wala na silang pagkukunan ulit, napakamahal at magastos talaga sa ospital!!! halos pambili nga ng pagkain wala na e... dagdag pa nila.

sa tingin ko nga sa katawang hapis na nakahimlay sa ataul ay halos balat na lamang ang bumabalot sa buto, naisip ko nga para namang sa gutom namatay ang babaeng ito...

kung ang hospital sana ng mindoro ay mayroong kumpleto at modernong mga pasilidad, kung sa halip sana na "contraceptives" ang ipinamimigay sa health center ay gawing mga gamot na nakapagdudugtong ng buhay... kung ospital muna sana bago ang pulitika... baka hindi nabawasan ang anak ng isang ina...

naiisip ko tuloy ano kaya ang magiging buhay ng anak nilang ito? kailangan sana ng bata ang gatas mula sa kanyang ina, kaya lang maaga ngang nawala... paano bibili ng gatas na maayos? naubos na sa pagpapagamot ang kalabaw nila at tanging yaman upang kumita ng pera... natatakot ako kasi ang tingin ko sa bata ay isa ng patay na bangkay...

Monday, February 16, 2009

kalikasan...

sadyang kay ganda ng kalikasang sa ati'y ibinigay ng dakilang Lumikha...
perpekto!!! wala kang pwdeng ipintas... ginawa niya ito ayon sa kanyang disenyo. ang pagsalig sa isa't isa... kapag pinakialaman ang isa, ay siguradong may epekto sa isa pa Niyang nilikha... ang cycle ng "buhay" maging ng tao man o nang iba pang mga "may buhay" at maging ng "walang buhay" ay laging magkakaugnay! isang tunay na perpektong handog ng Diyos sa sangkatauhan...

sa kasalukuyang sitwasyon... na ang ating mundo ay batbat ng mga kahiwagaang dulot ng mga taong itinampok Niya sa lahat ng kanyang nilikha... laganap ang kawalan ng pitagan sa lahat ng Kanyang "Obra". sa kabila ng pagpapakasakit ng kanyang anak upang maging isang halimbawa... at pagtubos sa kasalanan ng masa. unti-unti ang ating mundo ay nahuhulog sa kamay ng mga mapanlinlang!!!

ayon sa aking pagkakaalam... ang guru ng mamburao na si de jesus ay nahuling nandaya (ayon sa mga saksi) sa pamamagitan ng "ballot switching", kaya siya ay pinigil ng kampo ni bokal ignacio, asst. provincial agriculturist alfaro at iba pa... sa kasalukuyan nga ay nawawala (nagtatago kaya?) si de jesus...

pero ngayon ang mga tao pang nagsisikap na "itama" ang mga irregularidad ng maruming eleksiyon ang nakakulong... tama nga ang sabi ng lolo ko... SIRANG-SIRA NA ANG KALIKASAN!!!

Wednesday, February 11, 2009

Damdamin...

sadyang napakahirap supilin ang damdamin. lalo na at labas ito sa prinsipyong iyong pinaninindigan. ang pagpapahayag nito ay isa sana sa mga demokratikong karapatan ng bawat tao. mahirap mang aminin, madalas ang karapatang ito ay nasisikil o naiimpluwensiyahan upang manatili na lamang sa likod ng iyong isip. saan mang bahagi ka lumugar ang pinakamalaking kalaban ay ang sarili. alam mo namang mali pero patuloy mong nagagawa! (hindi mo matanggap-tanggap kasi mahal mo talaga...)

mapalad ang mga ibon... kahit na nakalantad sa panganib na dulot ng "madla", ay malaya namang nagagawa at nasusunod ang gusto... walang nagdidikta... walang nagbabawal... masarap maging ibon... kaisa n'ya ang kalikasan... kayakap n'ya hanggang kamatayan...

katauhang ito'y hinubog at pinanday ng panahon... nabuo at pinatibay ng mga karanasan... humihina at patuloy na pinahihina ng isang damdaming pilit na inuunawa...

bahagi ng lipunan... anay na sumisira sa loob ng isipan... kalawang na umuubos sa matigas na paninindigan!!!

ako at ikaw saan kaya lulugar?

Thursday, February 5, 2009

Sino ang dapat sisihin?

may isang lalaking naninigarilyo sa itaas ng tatlong palapag na gusali, sa ihip ng amihan ay tinangay at nahulog sa kalsada ang sigarilyong kanyang tangan. pumatak ang sigarilyo sa mukha ng isang karpinterong nagpupukpok ng pako sa labas ng second floor ng building at naging sanhi ng pagkabitaw sa hawak niyang martilyo... na tumama naman sa ulo ng cigarette vendor na papatawid sana ng kalsada. natumba sa gitna ng kalye ang vendor, na pilit namang iniwasan ng isang paparating na bus na puno ng pasahero. sa pag-iwas na ito ng driver ang kanyang bus ay napasok sa isang bukas na bangko na may dalawang guwardiya. sa gulat ng guwardiya agad itong nagpaputok at sa kasawiang palad ang apatnapung sakay ng bus ay patay na lahat...

sino ang dapat sisihin?

masalimuot at magulo ang nasabing kwento... marami ang karakter... maraming pwedeng sisihin...

sa kasong naging talk of the town... marami rin ang karakter na nababanggit... kasali man ito o nasabit lang... sinadya man ito o hindi...

sino ang dapat sisihin?

Ama namin...

ako ay lumaki sa pamamalakad ng ama namin... pito kaming magkakapatid, apat na lalaki at tatlong babae... magsasaka ang ama namin at ang ina namin ay may munting tindahan. pitong magkakapatid, pitong magkakaibang ugali. subalit sa patnubay ng ama namin, sa tulong at paggabay ng ina namin, at sa awa ng Diyos ay wala namang naging sagwil sa lipunan...

mas madalas sa hindi, sa aking mga pagninilay sa mga kaganapan na nakabandera sa ating lipunan... kurapsyon dito kurapsyon doon! kahit na yata sa alinmang antas ng ating lipunan ay puno ng kurapsyon. mula sa presidente ng bansa hanggang sa bise baranggay tanod o kahit pa nga (yata) sa loob ng simbahan ay napapasok na ng kurapsyon... mukhang wala na yatang lugar ang hindi napasok ng galamay ni satanas...

ang ibig kong sabihin... ang paglaki at pagkatuto ng mga bata ay nakasalalay sa kanilang ama at ina. tulad ng ginawa ng ama namin...

samakatwid... gayundin ang mga lider ng ating pamahalaan, kung baga, sila ang tumatayong magulang ng lahat ng kanyang nasasakupan... kung magnanakaw ang magulang at ito ang ibubuhay sa kanyang mga anak... makaaasa ka ba na ang mga batang ito hindi magsasamantala sa pag-aari ng iba? tularan sana nila ang ama namin!

kahit na sa simbahan... malaki pa ring papel ang dapat gampanan ng punong pastol, upang ang kanyang mga katuwang sa pag-aalaga ng tupa ay hindi maligaw... malaki ang magagawa ng patnubay ng Ama Namin...

ang tamang paggawa, tunay at makatarungang prinsipyo, mahusay na pagninilay, wastong pagsangguni ay ilan sa kanyang paraan para sa isang patas na pagdedesisyon.

kailanman ay hindi sinikil ang karapatan naming magkakapatid ng ama namin...

Wednesday, February 4, 2009

Talk of the town...

kahapon ay isang malaking balita ang parang bombang sumabog at narinig sa kanlurang mindoro. ito ay ang pagkadakip kay kagawad alex del valle, ng san roque. ayon sa kapitan ng bubog (jtv) ay hinihingan s'ya (ni alex) ng P100,000.00 upang hindi na siya (si jtv) nito banatan sa radyo... hindi raw ito (ayon kay jtv) ang unang pagkakataon na ginawa ni alex kaya nag-set sila ng isang entrapment, kaya ayun nakakulong (ayon kay jtv) si alex sa mamburao.

wala akong naririnig na balita, panig kay del valle, bakit kaya?

naging talk of the town ang balitang ito... bakit? sapagkat si alex del valle ay isang "media man"...

kung sakaling totoo ang balitang ito, pwede palang magkaroon ng bayarang media? (syempre meron gusto ko lang magkunwari ano? :-)

sa abot ng aking kalahating kusing na pang-unawa ay naiisip ko... sa kasong ito ay pwedeng maging biktima ang kahit na sino sa kanilang dalawa (si alex at si jtv), kung paano? tingnan natin...

paano kung na-set up lamang si alex? maimpluwensiya si jtv at hindi lingid sa mga mindorenyo 'yan! pwedeng-pwede n'yang gawin iyan... ang motibo? alisan ng kredibilidad si alex para hindi magamit ni sato sa halalan sa 2010!!!

:-) ke totoo o hindi ang balita, mahihirapan si del valle...

pangarap ko pa naman sanang maging isang media... yun bang half filipino... half filipina!

Monday, February 2, 2009

Nakakulong pa rin...

"lutang" ('di pwedeng di mapansin) sa mga pagtitipon at mga okasyong pangsimbahan ang mga sinaunang mananampalataya, ito'y dahil sa kanilang mga "gawi" at bihis... naulit muli ang aking karanasan sa isang pagsasanay na aking dinaluhan. sa kanilang pagbabahagi mariin ang kanilang pagmamalaki na sa pamamagitan ng kanilang organisasyon ay nagiging aktibo ang simbahan... regular ang kanilang gawain bilang mga deboto. may nagsabi pa nga na sa kanilang lugar ay haligi sila ng simbahan. sa patuloy naming pagpapalitan ng tanong ay kanyang binanggit na kung hindi magsisimba ang kanilang hanay... halos walang magiging tao sa simbahan!

hindi ko natiis na magtanong sa isang medyo may (parang) kayabangang may edad na ulirang deboto (ayon sa kanya) na panay ang "sabat" sa usapan.

"sa usapin po ng mga panlipunang isyu ano ang ginagawa ninyong pagkilos upang ito ay ma-address"... medyo nabigla sya at hindi nakasagot...

"tulad po sa usapin at banta ng mina dito sa atin sa occidental mindoro, paano n'yo po ito pinag-uusapan?"... heto ang kanyang tugon... "eh iyan namang pagmimina na 'yan ay atas mula sa matataas na pinuno natin ng gobyerno! wala tayong magagawa d'yan".

nakakalungkot malaman at isipin na ang karamihan sa ating mga mananampalataya ay nakakulong pa rin sa mga sinaunang paniniwala. ang kanyang sarili lamang ang nais na iligtas... walang pakialam sa mangyayari o nangyayari sa lipunang kanyang ginagalawan... bahala kayo sa sarili ninyo... basta ligtas ako!

paano na ang mga mahihina na biktima ng pagsasamantala ng iba? paano na ang kalikasang patuloy nilang ginagahasa?

masasagot kaya ng dasal at debosyon (lamang) ang napakaraming katiwalian?

sana ay dumami ang naniniwala na ang pananampalatayang walang kaakibat na gawa ay pananampalatayang patay!

nasa Diyos ang awa... nasa tao ang gawa!

kailangan ka na ng ating lipunan ngayon... isang mapagpalayang araw (at gabi)!!!