Monday, August 4, 2008

kwentong ikinweto sa mga kakwentuhan...

minsan sa aming maliit na umpukan sa harap ng aming mga hand tractor habang ang iba ay may pinapastulang kalabaw... ay nabuksan ang isang usapin tungkol sa nakalipas na pamamaraan ng pagsasaka... syempre pa nag-umpisa ito sa walang patumanggang pagtaas ng farm inputs at ng produktong petrolyo etsetera…

heto ang kwento… ang unang “bumangka” ay ang may tangan ng isang bagong handtractor…

”alam nyo bang sa sitwasyon ngayon ay kailangan na talagang makatuklas ang ating mga siyentipiko ng mga makabagong binhi na makapagbibigay sa atin ng maraming ani? Para naman makaahon tayo sa ating kasalukuyang kalagayan… aba eh parang ayaw ko ng magsaka ah”

sumagot ang isa pang kausap namin…

“ pero pare, hindi ba’t matagal ka ng nagtatanim ng sinasabi mong makabagong binhi?”

“oo, nga pero ang dapat ay yung mas marami pang ani kesa dito sa itinatanim ko”

Hindi nakatiis ang isang nagpapastol ng kalabaw…

“sa aking pagtingin kasi eh parang hindi yung malaking ani ang kailangan natin… para kasing kahit umani tayo ng sandamukal eh kulang at kulang pa rin… hanep naman kasi ang pagtaas ng mga bilihin lalo na yang tinamaan ng magaling na abono at mga pangkuhol na yan… aba e dyan na lang nauuwi ang inaani ko ah”

Syempre pa agad na sumang-ayon ang iba naming mga kausap… nagsalita pa nga ang katabi ko na… Bakit kasi nauso pa yang p---nang mga lason, lason na yan!!!

Mahaba ang naging usapan… hindi ako makakibo kasi very striking ang kanilang mga binibitiwang pananalita…

Ikinwento ko ito sa aking limang taong gulang na anak… out of the blue… mukha nga yatang may katwiran yung kausap ko kanina anak, na kahit sandamukal ang ating anihin sa ating bukid ay magkukulang kasi hindi natin mapigil ang pagmahal ng presyo ng mga ginagamit natin sa bukid… ang sagot ng aking anak? Isang simpleng… “kasalanan mo naman yun papa… alam mo ng mahal bumibili ka pa!”
Ang pinag-usapan namin ng anak ko ay ikinwento naman n’ya sa kanyang mama… (narinig ko ng hindi sinasadya) “mama ang papa talaga bili ng bili ng mga abono at saka ng mga pangpatay sa kuhol tapos nagrereklamo na mahal”.

Hindi ko na napakinggan ang sagot ni misis, umalis na ako kasi para akong napahiya sa bata… sa aking pagninilay… nasabi ko sa aking sarili na bakit nga ba panay ang aking reklamo sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin gayong pwede naman itong maiwasan? Pwede namang gumawa ng mga organikong pataba… sa halip na bumili ng chemical fertilizer… wala itong gastos o kung meron man konti lang, makakatulong pa sa pagsasaayos o pagpapanumbalik ng kalikasan. ang mga pangkuhol naman ay pwedeng iwasan sa pamamagitan ng maayos na paghahanda ng lupa, paglalagay ng mga “attractant” sa bukid upang madaling pulutin ang kuhol… marami namang mga likas na pamamaraan ang pwedeng gamitin upang mapahalaan ang mga sakit at peste sa palay o halaman at marami pang iba na pwedeng gawin… kailangan nga lang ng sakripisyo, sipag at pagtitiyaga…

Kaya ang kwentong nakuha ko sa mga kakwentuhan ko na ikinwento ko sa aking anak na ikinuwento naman n’ya sa kanyang nanay ay ikikwento ko naman sa inyo… sana ikwento n’yo rin…

1 comment:

Lionheart : Richard the Adventurer said...

so sad...

grabe naman ang kwentong ito....

i hope wala na niyan ngayon.