Monday, November 24, 2008

Pwede pala yun!!!

nakarinig ako ng reklamo sa radyo... tungkol sa installation ng kuryente sa isang sitio sa barangay ng bubog. ang reklamo ay ganito... "bakit doon pinadaan ang kuryente samantalang wala namang bahayan doon?"... may ilang mga sapantaha na may isang maimpluwensiyang tao na nakabili ng lupa sa lugar na iyon... nakatayo na sana ang mga poste kaya nga lang may nagreklamo sa radyo, kaya ayun ipinabunot at doon na ikakabit sa lugar na maraming mga bahayan ang makikinabang...

ang gusto ko lamang sabihin... kapag pala mayroong mga magrereklamo... at ipapakipaglaban ang kanilang mga karapatan... makakamtan din ang kaayusan...

Pwede pala yun!!!

kapuna-puna...

sa tuwing sasakay ako sa aking motorsiklo... hindi ko maiwasang makita ang kakaibang uri ng mga kalsada.

kahit hindi ako inhinyero... sa pagtaya at pagtingin mo pa lamang sa mga sementadong kalsada na "niyari" ng mga kontratista ng DPWH... makikita mo o matatantiya mo kaagad na ang mga ito ay sub-standard... marupok ang yari... hindi pa nagtatagal na mayari... sira na naman!!! por diyos por santo...

gaano ba ka-bobo ang mga inspektor ng mga ahensiyang ito na namamahala sa pagawaing ito ng pamahalaan upang makapasa ang ganitong uri ng proyekto?

pera-pera na lang ba talaga ang kapalit ng ating mga dangal? pipiliting itama ang mga mali sa tamang halaga?

ang pwesto sa pamahalaan at sa anumang posisyon sa gobyerno ay iapagkakaloob upang mailubog ka sa utang na loob?

kapuna-puna... kaya lang hinahayaan mo... kasi nakikinabang ka... ang masaklap hindi ka na nga nakakatulong sa matitino... tumitira ka pa...

maraming mga garapal... kapuna-puna...

Sunday, November 23, 2008

nakaka(t)awang mga taga-sunod...

ako ay isang taga-pakinig ng ilang mga magagaling na personalidad... si mariboy ysibido, fr (?) ronnie omanio, crispin perez, robert asignacion at meron pang mga iba dyan na hindi ko matandaan ang pangalan. halata ang kanilang talento o angking talino sa kanilang maliwanag na pagpapahayag. bakas ang prinsipyo sa kanilang mga kilos at galaw. maraming mga ideya ang pwede mong mapulot sa kanilang pagbabahagi. ang tinutukoy ko ay noon... inuulit ko... noon.. hindi ngayon!!!

nakapanghihinayang ang kanilang katalinuhan... nagagamit lamang ng kanilang mga bossing na pulitiko...

ang nabanggit kong mga pangalan ay mga masunuring taga-tahol ni villaroza at ni sato, gamit ang kani-kanilang mga himpilan ng radyo. ang kanilang pamarali sa tuwing magsasalita ay ang kanilang pagiging makatao, maka-diyos at makakalikasan. hindi mawawala sa kanilang mga talumpati ang kanilang pagmamahal sa mga tao. mas marami ang karatula kesa sa kanilang project... por diyos por santo... mula ng ako ay mamulat dito sa mundong ibabaw, kayo na ang mga nakaupo sa pinakamatataas na pwesto dito sa oksidental mindoro... iyan pa lamang ang inyong nagawa???

hindi kaya ito nakikita ng nabanggit kong mga pangalan??? nakaka(t)awa kayo... kinakain ang inyong mga prinsipyo ng salaping kinikita ninyo sa mga nagtitino-tinuang dalawang grupong pulitiko... kinakain kayo ng sistemang monopolyado ni jtv at sato... sa kanilang away (kuno?) pareho silang nakikinabang!!! at kayoooo! ang ginagawang sangkalan...

Ang Tao Kapag Hindi direktang apektado…

May nakikita akong isang palaisipan sa ugali ng mga tao sa kasalukuyan… ang tinutukoy ko rito ay ang mga taga-oksidental mindoro.

Bilang isa sa mga aktibong mamamayan na nakikisangkot/nakikilahok sa mga usapin/isyung panlipunan na nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan. Katulad ng usapin sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO), isang malaking katotohanan ang nakatambad sa kalakhan ng mga konsyumer…

Ang pagkakaroon ng mahigit 243 milyong pisong pagkakautang ng OMECO sa NAPOCOR

Mula sa category A+ (outstanding) noong panahong pinamamahalaan ito ni Col. Zoilo Perez ay naging category D sa pamamahala ni Alex Labrador

Ilan lamang ito sa mga inihain/ipinarating ng mga convener ng SAVE OMECO MOVEMENT sa mga member consumer… nagkaroon na ng dalawang wave ng prayer rally… pero, still… marami pa ring mga tao ang nanonood lamang at hindi nakikisangkot, hindi sumasama sa rally…

Dalawa ang naiisip ko, una ay ang kawalang malay/pakialam sa mga isyu… mas interesado at kabisado pa nila kung ano na ang nangyayari kay diyosa o kay gagambino kesa sa mga panlipunang issue… ikalawa ay kapag hindi sila direktang apektado, hindi na sila makikialam… kikilos lamang sila kapag nasangkot na sila, kung tinatamaan na sila… kung kailan baka huli na ang lahat!!!

Kadalasan kasi nasasabi natin… kung nagpatingin lamang sana sya kaagad sa doctor, nagamot sana ang kayang sakit… hindi sana sya namatay…

Ang “social sin” ay ang hindi mo pakikisangkot sa mga panlipunang issue. Alam mo ng mali, pero hinahayaan mo lang… kasalanan ito hindi ba?

Ang “structural sin” ay ang pagiging bahagi mo nang kasalukuyang problema… kasalanan din itong tiyak, hindi ba?

Sunday, November 16, 2008

Radyo... komentaryo...

ako ay isa sa mga lokal na tagapakinig ng radyo... natutuwa ako sa mga palitan ng ideya at mga komentaryo... sa radyo ko rin natutunan (ipinapaliwanag ng mga brodkaster) ang pag-aanalisa sa mga balita, ads, at komentaryo...

try kong magkoment...

sa advertisement ng alak na inindorso ni fr. roni omanio... nagulantang ako, kasi hindi ba't isa siyang pari? bilang isang katoliko, malinaw sa akin na ang mga pari ang siyang tagapaghubog ng konsiyensya ng mga mananampalataya. sa pag-iindorso ng alak mukhang mali para sa akin... tama naman para kay fr roni? gusto ba niyang matutong uminom o maging lasinggero ang mga tao? maliban na lamang kung talagang hindi na siya pari??? kaya lang sa pagpapakilala nya may father pa rin syang ina-address sa kanyang sarili!!!

sana lang father roni... kung babalik ka sa pagkapari bumalik ka na at umalis sa poder ng pulitiko...

o kaya naman... umalis ka na sa pagkapari at lubusan mo ng yakapin ang utos sa iyo ng amo mong pulitiko...

(pwede na po ba... koment ko? :-/)

Thursday, November 13, 2008

pakikisangkot sa mga panlipunang issue...

sa kasalukuyang panahon... ay makikita mo pa rin ang kakulangan sa kamalayan ng karamihan sa mga panlipunang isyu na nakakaapekto sa buhay at kabuhayan ng mga mahihirap na mamamayan.

hanggang sa kasalukuyan sa kabila ng patuloy na pag-aadboksiya ng ibat'-ibang mga civic organization at ng simbahan sa pagbibigay ng information at education campaign... ang mga mamamayan ay hindi pa rin aktibong nakikisangkot upang labanan ang mga katiwaliang namamayani sa ating lipunan...

kulang pa talaga... kailangan pang magparami at magdagdag ng istrarehiya para magising ang mahimbing na tulog ng masang pilipino...

sa pamamagitan sana nito... may magising at may madagdag na tagapag-sulong ng isang payapa at maayos na lipunan... alang-alang sa susunod na henerasyon!!!

Thursday, November 6, 2008

mali nga ba?

Sa ating kasalukuyang panahon na ang ating bansa ay nasa krisis, hindi ba marapat lamang na matuto tayong mag-analisa?

Maraming mga salik (factor) na mas higit na nakapagpapabilis o nakapagpapalala ng paghihirap ng ating mga kababayan… hindi ligtas dito ang lahat.

Sa aking pakikipag-ugnayan at pakikipagkwentuhan… kasama na rin ang aking mga pansariling obserbasyon… Sa kasalukuyan, ang praktis ng karamihan sa ating mga pinoy sa pagtingin at pag-unawa sa mga bagay-bagay ay mukhang hindi tama…

Bakit ko nasabi?

Narito ang ilang mga halimbawa… sa pagkain… sa ating mga pinoy kapag hindi binibili hindi wasto ang pagkain… bakit? Kapag mayroong mga bisita o sa mga simpleng okasyon lamang, kaagad tayong gagayak upang mamalengke… sa ating hapag, mainit ang ulo kapag talbos ng kamote o gulay na inani sa likod-bahay ang nakahain. Mas higit na pinaglalaanan ng pera ang mga imported products, mansanas sa halip na bayabas, tsokolate sa halip na bukayo, … sa gamot… hindi tayo nagtitiwala sa mga sambong, lagundi, at iba pang halamang gamot… sa halip ang hinahanap natin kaagad kapag may kaunting sakit ay ang botika… ilan lamang iyan… maraming marami pa…

Biktima tayo ng mga teknolohiyang pabor sa mga dayuhan… mula sa ating kagamitan sa ating pagsilang… hanggang sa ating pagpanaw… karamihan sa ating gamit at ikinabubuhay mas lamang ang mula sa dayuhan…

Magsuri tayo… hindi malupit ang ating Diyos!!! Upang ang mga pangangailangan ng pinoy para siya mabuhay ng malusog ay manggaling pa sa ibang bansa…

Tingnan natin ang mga katutubo… halos hindi sila nakakakain ng pagkain mula sa palengke… ang pinanggagalingan at ang kanilang ikinabubuhay ay mula sa kalikasan… madalas pa nga na magkaroon ng mga medical mission, dahil naaawa tayo sa kanila. Pero sino nga ba ang higit na malusog sila o tayo??? Sa kanila ang karamihang sanhi ng kamatayan ay hindi kalusugan… sa atin? Pangunahin ang atake sa puso o stroke…

Maling pag-unawa sa mga bagay-bagay… ang isa sa sanhi ng patuloy na kahirapan…

Monday, November 3, 2008

Linggo ng mga Katutubo

sa occidental mindoro ay kasalukuyang ipinagdiriwang ang linggo ng mga katutubo ngayong ika-3 hanggang ika-9 ng november...
sa narinig kong mga paliwanag ng kanilang mga lider... partikular sa indigenous people rights act... o mas kilala sa tawag na batas ng katutubo, ay nakikita at nararamdaman ng mga mangyan na mas marami pang nasa Non Government Organization kaysa sa mga Government Organization ang nakakaalam ng batas na ito...

nakakalungkot isipin na ang mismong tagapagpatupad ng batas sana ang bumibitbit ng mga ganitong programa ang siya pang walang sapat na kamalayan ukol dito...
ayon sa ating mga nabasa at narinig... 1997 pa ang IPRA law... ang tagal-tagal na pero hindi pa rin ganap na nararamdaman...

lalo na ang tungkol sa ancestral domain claim o lupaing ninuno... lagi na lamang pamarali ng NCIP na wala silang sapat na pondo upang maisaayos ang mga boundaries na kanilang lupaing ninuno. ang mga katutubo pa at ang mga NGO's na umaagapay sa kanila ang gumagawa ng paraan upang ang mga kaukulang dokumento/papeles ay maisaayos... anong klaseng ahensya ito ng pamahalaan?

mayroon pang pangyayari na mismong ang kompanya ng mina ang nagbigay ng pondo sa NCIP para raw sa pagsusukat... bakit? mga katanungang mula sa mga mangyan...

ang tanong ko naman... sadya kayang mahal lamang ng pamahalaan ang mga mangyan sa panahon ng halalan???

sana naman sa linggong ito ng mga katutubo ay maipahayag nila ang kanilang mga saloobin at maunawaan naman sana ng bayang makikinig... katulad natin anak din ng Diyos ang mga mangyan!!!

Sunday, November 2, 2008

problema pa rin ng mga magsasaka... mula noon hanggang ngayon!!!

sa aking pakikipagtalastasan sa mga umpukan ng magsasaka... naroon pa rin ang walang hanggang pagdaing sa kanilang mga bayarin... kung tutuusin panahon ngayon ng anihan, dapat ay masasayang usapan ang naririnig mula sa kanilang mga labi. ngunit sa halip na magdiwang sa mga biyayang natanggap... lungkot pa rin ang bumabalot sa kanila. bakit? kasi ang mga puhunang inutang nila upang magamit sa kanilang pagtatanim ay kailangan ng bayaran!!! narinig ko sa isa ang ganitong linya... "ang nagastos ko sa isang ektarya kong lupa ay kinse mil, tatlong kaban ang dapat kong ibalik sa bawat isang libo. samakatwid forty five kaban ang mawawala sa ani kong isang daan, less eight bags sa thresher, eight bags sa gapas, ten bags sa buwis... seventy one bags lahat... kapag ibinilad ko ang natirang twenty nine... twenty seven na lang yun".

ako na ang nagtuos... 27 bags x 50 kilos per bag = 1,350 kilos x P16.75/kilo = P22,612.50 divided by six months (2 cropping lang bawat taon) = P3,768.75 ang kinita nya bawat buwan... samakatwid ang dapat lamang nyang gastusin ay hindi dapat na lumampas sa P125.625 sa bawat araw, para kumasya at hindi siya muling magkautang.

kaya lang paano kung mayroon kang dalawang anak? P125.625 divided by four na miyembro ng pamilya... P31.406 lamang ang bawat isa sa bawat araw ang dapat na pagkasyahin...

ang problema ng magsasaka noon hanggang ngayon... mataas na patubo ng kailangan nilang kapital para magkaroon sila ng produksiyon...

Saturday, November 1, 2008

Sitio Aruyan, Ligaya, Sablayan. Occidental Mindoro

Ang sitio Aruyan ay isang pamayanang pinananahanan ng mga katutubong mangyan (tao buhid)… nagsimula ang aming paglalakad ganap na ika-6:46 ng papadilim na hapon. Tanging ang landas na daang tao lamang ang aming tinatalunton. Kahit hindi umulan ng nakalipas na tatlong araw ay lubhang maputik at madulas pa rin ang daan. Umaahon at lumulusong kami sa mga dalisdis, sa mga daang tubig na bahagi ng natural na topograpiya ng kabundukan. Pinuntahan namin ang lugar na iyon sapagkat ang lupaing ninuno (ancestral domain) ng mga mangyan ay pinasok ng walang pahintulot ng Pitkin Petrolium Limited, isang kompanyang nagsasagawa ng Magneto Telluric Survey (MTS) para sa oil exploration.
Pinayagan ito ng pamahalaang national… kaya ano pa ang maaasahan sa aming mga opisyal? (kaalyado sila ni PGMA) Ang masaklap nga lang hindi nila sinusunod ang tamang proseso, ang “public consultation”!!! kaya kami ang nilapitan ng mga mangyan upang makipag-dialogue at maipahayag ang kanilang pagtutol sa nasabing proyekto…
Kahit ang aming mga kasamang mga katutubo na sanay sa lugar na iyon ay nakakaranas pa ring madupilas dahil sa dulas ng daan, lalo na kami. Hindi lang dupilas, may halo pang sadsad, luhod at salampak. Labing tatlo kaming magkakasamang umahon sa sitio Aruyan… siyam ang mangyan at apat kaming taga-patag. Tatlong oras at kalahati bago namin narating ang aruyan. Sa pinakatuktok ng bundok ay tanaw ang luntiang paligid… hindi pa gaanong naaabot ng mga iligalistang magkakahoy. Ang mga katutubo roon ay nabubuhay pa rin sa likas na yaman ng gubat at sa kanilang mga pananim na palay kaingin, saging, kamote at iba pang mga lamang ugat…
Kung magpapatuloy ang pagpasok ng minahan… hindi ko malubos maisip… napakalayo na ng kinapadparan ng mga mangyan… bundok na ang kanilang kinaroroonan… ang kanilang lupaing ninuno na tangi nilang kayamanan at pinanggagalingan ng kanilang buhay at kabuhayan… PAPASUKIN PA AT IBINIBIGAY SA MGA DAYUHAN???
nakaranas kaming matulog sa silong ng kahoy unan ang aming backpack ang sapin sa likod ay dahon ng palm tree. nakababa kami ng aruyan kinabukasan na ng hapon 4:45pm... nakarating sa aming bahay 7:16 ng gabi...