Tuesday, April 29, 2008

Biyaheng Bacolod...

Bilang isang nag-aadbokasiya ng likas kayang pagsasaka, naimbitahan ako sa isang skills training on vermi-compost na pinondohan ng Department of Agriculture (DA) at ng Bureau of Soil and Water Management (BWSM) sa pakikipagtulungan ng CBCP-NASSA. Ginanap ito sa isang pribadong lugar na pag-aari ng isang “pintsik” (pinoy na intsik).

Pero ang aking kwento ay hindi tungkol sa vermi-compost. Ang nais kong ibahagi ay ang aking nakita, na talaga namang nakakalungkot para sa isang tulad kong magsasaka. Sa aming Field trip, tatlong mga individual na taong nagsasapraktika ng Organic Farming ang aming pinuntahan. At sa kanilang pagbabahagi ay kanilang sinabi na “dito sa amin sa Bacolod ang makikita ninyo ay maituturing na isang maliit na kabuhayan lamang, mayroon kaming maliit na sagingan, konting baboy at manukan”. After ng ilang mga briefings, ipinasyal kami sa kanilang sagingan. At syempre shock ang buong tropa. Ang maliit na sagingan... 6 na ektarya pala. Ang pinuntahan naming maliit na babuyan... 2,500 heads! May mga paanakin pa... Ang manukan 15,000 heads din. Ang pataniman ng tubo, ang lawak... Sa aming pagtantiya, hindi kukulangin sa 100 ektarya. Ayon sa kanila ang lahat ng kanilang pananim ay pawang organic, walang sintetikong pataba... at naniniwala naman ako kasi makikita naman ito sa kalidad ng kanilang lupa. Maging ang kanilang mga hayop ay inaalagaan sa likas at organikong pamamaraan.

Ang totoo, halos malunod ako sa kanilang mga ibinahagi... kahanga-hanga.... marami kang mapupulot sa kanilang kaalaman upang magamit para sa pangkabuhayan... papaano magtanim ng iba’t-ibang halaman at pag-aalaga ng mga hayop, upang mapagkakitaan, gamit ang organikong pataba (vermi-compost). Napakaganda ng kanilang mga layunin upang mapangalagaan ang kalikasan... maihanda o mapreserve ito para sa susunod na henerasyon.

Sa aming pagtatanong sa mga taga-roon marami palang mga “haciendero” sa lupaing sakop ng Bacolod, libong ektarya ang pag-aari ng bawat isang pamilya. Hindi pala naipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) doon. Ang mga kadahilanan syempre pa, ay sapagkat pawang malalaki at mayayamang angkan pa rin ang may hawak ng pulitika. Yun ang aking ikinalulungkot sa kabila ng kawalan ng lupa ng mga maliliit na magsasaka sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas!!! Sa Bakolod iilang tao lamang ang nagmamay-ari ng libu-libong ektarya ng lupa...

Friday, April 25, 2008

Magsasaka nga ba o magsasako??!

Halos tapos na ang anihan mngayong summer crop. Malaki ang itinaas ng presyo ng palay, mula sa NFA price na Php 12.00 ay naging Php 17.00. sa mga traders nga ay mas mataas pa, may nagsasabing umaabot ng Php 18.00 per kilo. Malaking tulong na sana sa mga magsasaka ang magandang presyo na ito ng kanilang pangunahing produkto... malaki na sana ang tsansa ng pag-unlad. Kinausap ko ang isang karaniwang magsasaka, may second crop (palay) siyang inani, uppps! Kaaani pa lang, kulang lang ng konti sa isang ektarya. Ayon sa kanya inaanihan nya ito ng 70 kaban. Nagtataka lang ako kasi sa isang karaniwang magsasakang bagong ani, hindi ba dapat ay masaya siya? Kaya ako nagtanong... isang simpleng “kumusta na” ang namutawi sa aking mga labi. Isang mahabang buntung hininga ang kaniyang pinakawalan bago sumagot... “heto walang natira”, isang himig na parang hindi mabigkas, parang may bara sa lalamunan. Bakit naman, balita ko 49 bags ang inani mo? Tanong ko na may halong pagtataka... sa medyo malakas na tinig...”kasi naman palayan ang mga inutang ko! 3 kaban ang bayad sa isang libo. Eleven thousand ang nautang ko... times 3 e di 33 bags... bayad ko sa thresher 4 na kaban... bayad ko sa hand tractor 4 na kaban... sa gapas 3 kaban... 3 kaban ang renta sa aking water pump 2... ang buwis ko pa na??? papayag kaya ang biyenan ko na yun lang natira ang ibigay ko? Nabigla ako!!! Kasi ang aking tuos 49 bags na yun! Ano pa ang matitira para sa kanyang biyenan? Bago ako nakapagsalitang muli... dayami na lang ang buwis na makukuha ng biyenan ko pare!!!

Hindi ko na alam kung paano kami naghiwalay sa usapang iyon... ang aking iniisip... apat na buwan siyang nagtrabaho at nagpakahirap sa pagtatanim ng palay... tapos wala man lamang pakinabang???

Kung hindi sana siya bumibili ng abono (4 na kabang urea daw ang kaniyang ginamit), aba e di katumbas ito ng apat na libong piso o 12 kabang palay (3 kabang palay ang 1 libo) sana ang natipid nya. Idagdag pa ang pesticide at mullocide na kanyang ginamit...

Sa aking pagtingin... kung hindi siya magbabago ng pamamaraan, kung hindi makakalag ang mind set na na nakatali sa chemical farming... walang maliliit na magsasaka ang makakaahon sa kumunoy ng kahirapan!!!

Monday, April 14, 2008

Ang dalawang mukha...

Sa aking patuloy na pakikisangkot, pakikisalamuha sa lipunang aking ginagalawan, napansin ko na ang bawat bagay ay may dalawang mukha... kung may maitim maroong maputi. Kung mayroong gabi may umaga. Kung may mabuti may masama...

Katulad ng ating mga scientists. Mayroong mga nag-aadbokasiya - nagta-trabaho, alang-alang sa bayan... mayroon namang para lang magkamal ng salapi. Ginagamit ang kanilang talino at kakayanan, gagawin ang lahat ng ibig ipagawa... sa tamang halaga.

Kung talagang ang nais ng mga transnational corporations na katulad ng Monsanto, na tulungan ang mga magsasaka (katulad ng palagi nilang ipinangangalandakan na sila raw ay kabalikat ng mga magsasaka) bakit ang lahat ng kanilang mga produktong nililikha ay laging may kaakibat na gastos? May mga binhi silang ipino-produce na ginamitan nila ng cytoplasmic sterile line upang hindi na tumubong muli... nais nilang kontrolin ang agrikultura. Kung sino ang may-ari ng binhi, siyang may tangan ng produksiyon. Ang lahat ng kanilang mga binhi ay kailangan o mataas ang dependent sa lason, sa patubig at sintetikong abono. Kung talagang kabalikat sila ng mga magsasaka bakit hindi sila lumikha ng mga binhing hindi na kailangan pang gastusan ng mga magsasaka upang umani ng malaki? Iisa pa rin amg malinaw... ang kanilang mga produkto ay kanilang ginagawa upang MAGKAMAL ng salapi!!!

Sunday, April 13, 2008

Ang Monsanto at ang mga produkto nito... (cont...)

Iyan ay ilan sa mga nakakabahalang epekto ng mga GM products. Narito pa ang ilang pahayag:
Jeffrey Smith: ngunit ang kanilang mga pinuno ay inutusan ng White House na isulong ang industriya ng biotechnology.
Ignacio Chapela: ang sabi lamang sa kanila ay kailangan nating mabilis na maisulong ang teknolohiyang ito upang maitatag isang bagong sector ng industriya.
Steve Druker: Anong ginawa ng mga tagapangasiwa ng ng FDA? Binalewala nila, hindi sinunod ang pahayag ng kanilang sariling mga siyentista at ipinalagay na ang lahat ng pagkaing ito ay ligtas.
Jeffrey Smith: Walang pangmatagalang pag-aaral sa kaligtasan, walang anumang “safety test” ang hiningi bago ipinagbili ang mga pagkaing ito.
David Schubert: Para na ring gumawa ka ng kotse at ang may gawa ng kotse ay hindi nagsuri ng husto. Hayaang mamatay ang ilang tao sa pagmamaneho ng kotse para malaman kung ito ay ligtas o hindi. Ito ay kahangalan, ngunit ito ang paninindigan ng maraming taong nagsusulong ng teknolohiyang ito.
Phil Regal: sinasabi ng mga tao sa industriya, ng mga ahensiyang namamahala dito na kung nais ng mga Amerikano ng kaunlaran ay kailangan din nilang magpagamit katulad ng daga sa mga eksperimento.
Sue Kedgley: May maraming butas at depekto ang kasalukuyang balangkas ng pagsusuri ng kaligtasan ng mga pagkaing genetically engineered. Kaya’t maaaring sabihin na pahapyaw lamang ito na nagbibigay ng daan sa mga gumagawa na sabihing ang mga ito ay nasuri ng marapat at mapaniwala ang mga mamimili na ligtas kainin ang mga ito.

Sa mga pahayag na ito ang basehan ko lamang upang paniwalaang ito ay totoo ay – una – ang mga siyentistang ito ay mayroon ding mga sapat na kaalaman at kasanayan sa mga pag-aaral at pagsusuri. –ikalawa- hindi nila itataya ang kanilang mga sariling propesyon kung walang batayan ang kanilang mga sinasabi. –ikatlo- wala naman silang kinikita sa kanilang mga pahayag, bakit sila ay magsisinungaling!

Ano naman ang roundup ready? Ang pahayag naman ng mga tagapagsalita ng Monsanto hinggil dito ay ito. Ang damo ay kaagaw sa sustansya ng mais at nakakabawas ito ng ani. Ang Dekalb roundup ready corn 2 ay uri ng mais na may ‘roundup herbicide tolerance’, kaya kapag inispray mo ito ay ligtas ang mais patay ang damo.

Ang damo sa ating paligid ay isa ring biyaya na may malaking papel na ginagampanan, lalo na sa ating mga alagang hayop, bilang pagkain. At sa mga halaman naman bilang pataba. Mayaman ito sa mga sustansiyang kailangan ng halaman. Mayaman ito sa nitrogen, phosphorus, potassium, at mga micro-nutrients (i.e. zinc, iron, manessium etc.). Kung gagamitin lamang natin ang mga ito at alam natin ang tamang proseso, o kahit na nga sa ordinaryong paglalagay nito sa puno ng mga pananim at hayaan na lamang itong doon mabulok kapakipakinabang na ito. Mag-imagine tayo ng isang bukid na walang damo....para sa akin hindi ito kumpleto, parang tao na kulang ang bahagi ng katawan. Ang damo ay napapamahalaan, sa pamamagitan ng maayos na paghahanda ng lupa.

Ang isa pang ikinababahala ni Dr. Terje Traavik ay ang posibilidad na makalikha ang biotechnology (ng hindi sinasadya) ng mga super weeds na hindi na kayang tablan ng anumang pamatay damo, dahil sa patuloy na paggamit ng mga herbicide (roundup) na ito.

Thursday, April 10, 2008

Ang Monsanto at ang mga produkto nito...

Minsan hindi sinasadyang mapunta ako sa isang Corn Field Day na sponsor ng Monsanto sa barangay bagong sikat, bayan ng san jose.

Syempre pa sa “field day” na ito ay maraming mga bisitang mga magsasaka. May mga brgy. Captain, brgy. Council, mga taga- LGU, kasama ang MAO na ayon sa kanilang tagapagsalita ay siyang nag-imbita kaya ganun karami ang dumalo (more than 100 person).

Mais ang pinag-usapan... (corn field day nga eh) :-)

Kung dati ang inirereklamo ng mga katulad kong nag-aadbokasiya upang labanan ang mga GM products ay ang Cargill 818 yield guard (dekalb 818 na ngayon)... Nakakalungkot lalo, kasi nagkaroon pa ng kapatid ang Bacillus Thuringensis corn na ito. Ang inintroduce ng Monsanto ngayon ay ang Dekalb 9132 yield guard... at Dekalb roundup ready corn 2.

Ganito ang nilalaman ng kanilang mga polyetos... Kontrolado na ang damo!... sa Corn borers din ay protektado!

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang debate hinggil sa epekto ng bacillus thuringensis toxin sa kalusugan ng mga kakain nito... kasi nga hindi pa tapos ang pag-aaral kung ligtas ba ito o hindi. Ayon sa isang pahayag ni Jerry Rosman (scientist): “simula ng pakainin namin ng GM mais (Bt corn ) ang aming mga hayop, nagkaproblema kami nang malaki sa kanilang pagbubuntis”. Sa kasalukuyan mayroon din kaming alagang mga baboy, tatlong inahin na aming pinaanak ang nagkaroon ng problema. Yung isa na nanganak ng walo ay ayaw magkaroon ng gatas para mapasuso ang kanyang mga biik. Yung ikalawa naman na nanganak ng labing apat ay napakahina ng gatas. Ang ikatlo naman ay sampu, mahirap maipaliwanag ang nangyari kasi mukha namang marami ang gatas na laman ng suso kaya lang ayaw namang lumabas... kaya ang inahin ay nagkaroon ng lagnat. Concentrate o commercial feeds ang karaniwan nilang pagkain at isang linggo bago manganak lactating feeds naman, para raw maging magatas ang inahin. Bakit ko ito naikwento? Kasi meron kaming kaibigan na may alaga ring inahing baboy... ang pakain niya darak. Walang problema ang kaniyang baboy, magatas, malusog ang mga biik.

Alam naman nating lahat na ang bentahan ng mga inaning Bt corn ay ang mga feed mills. Samakatuwid, nakakain ng mais na may Bt toxin ang aming mga inahing baboy! Kaya siguro may problema! Sa ngayon mayroon pa kaming isang inahin, inihinto ko na ang pagpapakain ng commercial feeds, darak na lang muna. Kapag ang inahing ito ay hindi nagkaroon ng problema... maaari ngang tama ang aking sapantaha.
Isa pang siyentista ang nagpahayag ng ganito: Steve Druker: “nang makuha namin ang mga dokumento ng FDA at nagsimula kaming suriin ito, kami’y nagulat sa aming natuklasan. Hindi lamang ang mga siyentistang sumama sa aming pagsasampa ng kaso ang nababahala sa mga pagkaing Genetically Engineered, hindi lamang ang daan-daang siyentista sa buong mundo ang nag-alala sa maaaring panganib na dulot ng mga pagkaing Genetically Engineered, kundi maging ang mga siyentista mismo ng FDA ay nagpahayag din ng pagkabahala. Ang napagkaisahan ng mga siyentista ng FDA ay “ ang genetic engineering ay sadyang mapanganib, ibang-iba sa nakasanayang paraan ng pagpapalahi at... ang bawat pagkaing GE ay kailangang dumaan sa masusing pagsusuri dahil sa panganib na magdulot ito ng mga hindi sinasadyang epekto, tulad ng bagong lason, bagong sanhi ng allergy” (itutuloy)